Manila, Philippines – Inamin ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles na hindi nila mapipigilan kung ilihis ng ibang ahensya ang pondong inilaan ng pamahalaan.
Nangangamba si Nograles na tulad ng ginawa ng National Food Authority na paglilihis sa pondo na ginawang pambayad sa utang, posibleng gayahin din ito ng ibang ahensya dahil nakalusot ang paglilipat ng pondo.
Muling ipinatawag sa Kamara si NFA Administrator Jason Aquino at ang mga kinatawan ng NFA Council para pagpaliwanagin sa paglihis ng malaking bahagi ng pondo ng Price and Supply Stabilization of Rice fund at ng Buffer Stocking Program fund ng ahensya sa taong 2017 at 2018 na ginamit na pambayad utang sa Land Bank of the Philippines at sa Development Bank of the Philippines.
Dalawang magkakasunod na taong nakitaan din ng COA ang NFA ng katulad na paglabag at nagkakahalaga ito ng mahigit P7 bilyong piso.
Hinala ni Nograles, ang paglilihis sa pondo ang posibleng dahilan ng kakulangan sa suplay ng bigas at pagsirit ng presyo nito sa mga pamilihan lalo na sa Mindanao.