Galaw ni Ping vs rebelyon, sinaluduhan sa Commission on Appointments

Tumanggap ng papuri si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson mula sa kasamahan sa Senado at Commission on Appointments (CA) na si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa dahil sa pagsusulong ng mga solusyon para mawakasan ang isyu ng rebelyon sa bansa.

Para kay Dela Rosa, walang ibang kandidato sa pagkapangulo ngayong Halalan 2022 ang may sapat na karanasan at malinaw na layunin para sa laban kontra sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kundi si Lacson.

Inihayag ito ng senador sa naging pagdinig ng Committee on National Defense at Commission on Appointments noong Miyerkules (Enero 26), kung saan pinag-usapan ang pagpapatuloy para masolusyonan ang insurgency problem kapag natapos na ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.


“Granting, after the Duterte presidency, the next president that will takeover ay mahina ang drive against the CPP-NPA or walang military background, unlike Senator Lacson na he was in the tick of the fight against insurgency before, how fast do you think can the insurgency problem recover militarily, granting andiyan pa rin ‘yung mga legal fronts na ‘yan,” pag-usisa ni Dela Rosa kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff appointee General Andres Centino.

“Pagkatapos ni Presidente Duterte ubos ‘yung armadong puwersa ng NPA, [pagkatapos] pumasok ngayon ang bagong presidente na hindi kagaya ni Senator Lacson ang abilidad, ngayon nagpabaya sa problema ng insurgency. How fast can the insurgency problem recover?” dagdag niya.

Tugon ni Centino, bukod sa militarisasyon ay makatutulong din sa pagpuksa sa puwersa ng mga rebelde ang pagresolba sa iba pang isyung panlipunan at pagpapalakas sa serbisyo ng gobyerno sa mga kanayunan na inaabuso ng mga NPA.

Sa panig naman ni Lacson, malinaw na mayroong programang pagpapaunlad sa mga malalayong kanayunan, kabilang na ang mga naiimpluwensiyahan ng NPA, ang mababahaginan ng pondo sa ilalim ng kanyang platapormang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program.

Sa ilalim ng BRAVE palalakasin ang pakikiisa ng mga lokal na opisyal at kanilang mga nasasakupan sa pagbuo ng mga proyektong pangkaunlaran ng kanilang lugar, upang magkaroon sila ng direktang kontribusyon sa pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng lahat ng sektor sa kanilang komunidad.

Naniniwala si Lacson na ang pagpapalakas sa presensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga development project at livelihood ang mabisang paraan para mapigilan ang pagpasok ng mga NPA.

Sa isang panayam, una nang sinabi ni Lacson, chairman ng Committee on National Defense, na ipagpapatuloy niya ang peace talks sa mga rebeldeng grupo, kung siya ang magwawaging pangulo sa May 9 elections.

Gayunman, kailangan umano na gawin itong lokal dahil mas praktikal itong paraan imbes na idaan ang usapan kay CPP-NPA founder Jose Maria Sison.

“I suggested to localize the peace talks. Why? Because paikot-ikot lang ‘pag kausap si Joma Sison. So, mas praktikal na i-localize because hindi naman lahat ng probinsya [o] lahat ng bayan [ay] pare-pareho ang insurgency situation,” pahayag ni Lacson.

“Walang mangyayari sa pakikipag-usap kay Joma kasi may agenda ‘yan, malevolent ‘yung agenda na para maka-buy ng time at the same time nag-bi-build up ng forces sa ground,” aniya.

Facebook Comments