GALE WARNING, MAARING ITAAS SA MGA BAYBAYIN NG PANGASINAN DAHIL SA AMIHAN

Maaaring itaas ang gale warning sa mga baybayin ng Pangasinan dahil sa patuloy na epekto ng amihan o northeast monsoon, ayon sa paalala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa panayam ng IFM Dagupan sa PAGASA Dagupan, sinabi ng ahensya na posibleng maglabas o magtaas ng gale warning bunsod ng patuloy na pag-iral ng amihan na nakaaapekto sa mga coastal areas ng lalawigan.

Ayon naman sa Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), wala pang naitatala na gale warning sa lalawigan simula Linggo, Enero 25.

Gayunman, iniulat na may katamtaman hanggang malalakas na alon sa dagat na may taas na humigit-kumulang 8.20 hanggang 12.13 talampakan.

Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng PAGASA ang mga mangingisda at mga residente sa mga baybaying lugar na mag-ingat at manatiling nakaantabay sa mga weather bulletin at abiso upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Facebook Comments