Sinisisi ngayon ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sa kawalan ng agarang aksyon matapos tumaas ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar at pagkamatay ng marami sa kaniyang mga constituent.
Sa pagdinig ng Mindanao Affairs Committee, galit na sinabi ni Rodriguez na si Galvez ang “at fault” o may kasalanan sa pagkamatay ng ilang local officials at ng kaniyang pamilya dahil pumalya ang kalihim na magbigay ng dagdag na bakuna sa Cagayan de Oro (CDO).
Aniya, makailang beses na siyang nagpadala ng liham kay Galvez at sa Inter-Agency Task Force (IATF) para humiling ng dagdag na doses ng bakuna para sa mga constituent sa Mindanao pero hindi umano ito pinansin ng kalihim.
Tahasang sinabi nito na “inefficient” at wala man lamang priority at concern sa kanila sina Galvez, ang IATF, Health Sec. Francisco Duque III at Cabinet Sec. Karlo Nograles na hindi man lamang umano sinagot ang kaniyang liham na isang buwan na ang nakalipas.
Aniya, mild cases lang sana ang nangyari sa kanilang lalawigan pero lumala ito dahil sa kawalang aksyon ng mga opisyal na inatasang manguna sa COVID-19 pandemic.
Pero tugon ni Department of Health (DOH) Dir. Aleli Sudiacal, may paparating na 60,000 Sinovac sa Mindanao mula sa bakunang dumating noong June 10 bukod pa ito sa libo-libong mga bakuna ng Pfizer para sa Regions 9 (sa Zamboanga Peninsula), 10 (Northern Mindanao), at 11 (Davao Region).
Humingi rin ng tawad ang DOH dahil hindi lamang aniya naisama sa “slide” o sa presentation ang alokasyong COVID-19 vaccines para sa Mindanao.