Hindi pinagbuti ni dating National Task Force (NTF) Against COVID-19 adviser Dr. Tony Leachon ang kanyang trabaho kung kaya’t tinanggal ito sa NTF.
Ayon kay NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, maliban dito ay wala rin aniyang word of honor, may ibang motibo at mahirap kasama sa trabaho si Dr. Leachon.
Para naman kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bitter lamang si Leachon dahil hindi siya itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim ng Department of Health.
Reaksyon ito nila Galvez at Roque matapos imungkahi ni Dr. Leachon na buwagin na lamang ang Inter-Agency Task Force (IATF) dahil hindi suportado ng siyensya ang kanilang mga rekomendasyon sa Pangulo lalo na ang plano sanang re-opening ng mga sinehan sa GCQ (General Community Quarantine) areas.
Matatandaang Hunyo 2020 nang tanggalin si Dr. Leachon sa NTF dahil umano napuna mismo ni Pangulong Duterte na wala itong ginawa kung hindi punahin at batikusin ang COVID response sa halip na tumulong at makiisa sa gobyerno.