Galvez, humingi ng paumanhin sa panibagong delay sa delivery ng COVID-19 vaccines; higit 16 milyong doses, darating ngayong buwan

Humingi ng paumanhin si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. matapos maantala ang delivery ng COVID-19 vaccines na siyang nakakaapekto sa usad ng immunization program ng pamahalaan.

Ayon kay Galvez, resulta ito ng “lean weeks” na kadalasang nangyayari tuwing una o huling linggo ng buwan kung saan ang mga vaccine manufacturers ay hindi nagpapadala ng shipment.

“May tinatawag po tayo na lean weeks o tagtuyot na mga araw na napakahirap ng mga supply during the first week and last week of the month,” sabi ni Galvez.


Paliwanag ni Galvez, kadalasang inihahanda ng mga vaccine manufacturers ng kanilang supplies sa unang linggo ng buwan bago ang nakatakdang delivery habang ang imbentaryo at re-deployment ng bakuna ay ginagawa kapag huling linggo ng buwan, kaya ang delivery sa mga nabanggit na panahon ay malabong matupad.

“Ang ating mga vaccines dumarating during the second week, third week at fourth week na ng buwan,” ani Galvez.

Ngayong buwan, aabot na sa 16,205,240 doses ng COVID-19 vacines ang inaasahang darating sa bansa.

Kinabibilangan ito ng 170,000 doses ng Sputnik V vaccines na ibibiyahe ngayong araw, 1,124,100 doses ng AstraZeneca na donasyon ng Japan na darating sa bukas, 3.024 million doses ng Johnson & Johnson na bahagi ng donasyon ng Estados Unidos sa COVAX Facility na darating sa kalagitnaan ng buwan, at 2.028 million doses ng AstraZeneca mula sa COVAX facility ang darating din sa kalagitnaan ng buwan.

Nasa 1.17 million doses ng AstraZeneca na binili ng pribadong sektor at tatlong milyong doses ng Sinovac na binili ng pamahalaan ang darating sa July 18.

Sa July 19, nasa 562,770 doses ng Pfizer ang darating sa bansa, susundan ng 250,800 doses ng Moderna sa pagitan ng July 21 hanggang 27.

Nasa 2.5 million doses ng Sinovac ang darating sa July 24 hanggang 25, at 375,570 doses ng Pfizer sa July 26, at dalawang milyong doses ng Sinovac sa July 30 hanggang 31.

Aabot naman sa 14.17 million doses ng COVID-19 vaccines ang darating sa bansa sa Agosto.

Sa ngayon, aabot na sa 17,455,470 doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa bansa.

Facebook Comments