Tiniyak ng National Task Force against COVID-19 na hindi maaapektuhan ang delivery ng COVID-19 vaccines mula sa Serum Institute of India.
Ito ay sa harap ng nararanasang surge ng kaso sa naturang bansa.
Ayon kay NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., hindi maaantala ang nakatakdang shipment ng mga bakuna sa Pilipinas.
Ang Pilipinas aniya ay isang hiwalay na supply chain.
Nagsusumikap aniya ang pamahalaan para makakuha ng sapat na supply ng bakuna at mapabilis ang libreng inoculation program.
Nitong Marso, lumipad patungong India si Galvez para mapabilis ang delivery ng 30 million doses ng Covovax vaccine na gawa ng US-based biotechnology company na Novavax at manufactured ng Serum Institute of India.
Ang initial delivery ay sa third quarter ng 2021 kung saan dalawang milyong doses ng Covovax vaccines ang darating sa Hulyo.