Hindi pa masabi sa ngayon ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung muling palalawigin ang April 30 Luzon wide Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay IATF at Cabinet secretary Karlo Alexei Nograles sa ngayon ang pokus ng pamahalaan ay ang ginagawang testing, isolation at treatment sa mga suspected at COVID-19 patients.
Dahil mas marami na, aniya, tayo ngayong testing kits at testing laboratories at handa na ring tumanggap ng mga COVID-19 patients ang iba’t ibang quarantine facilities malalaman nila sa pamamagitan ng datos kung ano ang posibleng susunod na hakbang ng pamahalaan bago magpaso ang April 30-Luzon-wide ECQ.
Sa ngayon, masusi aniya nilang pinag-aaralan sa IATF kung anu-anong negosyo ang maaaring ibalik ang operasyon pagsapit ng April 30 pero kinakailangan pa ring pairalin ang social distancing ang pagsusuot ng face mask at panatilihin ang proper hand hygiene.
Iba’t ibang rekomendasyon mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga eksperto ang kanilang tinitimbang at pinag-aaralan para mabatid kung ano ang ‘new norm’ pagtapos ng ECQ.
Mababatid na sa nakalipas na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sinabi nito na hangga’t walang gamot o bakuna laban sa COVID-19 ay mananatili ang ECQ.