Gamit ang samurai, lalaki pinugutan ang landlord dahil sa renta

2377
iStock photo

Pugot ang ulo ng isang landlord matapos hiwain ng samurai sword ng lalaking sinisingil nito sa upa sa Connecticut, USA.

Tinukoy ang suspek na si Jerry David Thompson, 42, at ang nasawi na si Victor King, kilalang professional bridge player, ayon sa ulat ng Hartford Courant.

Batay sa arrest warrant, Sabado nang ireklamo ng biktima sa pulisya na pinagbantaan siya ni Thompson gamit ang espada matapos silang magtalo tungkol sa hindi umano pagbabayad ng suspek sa renta.

Kinabukasan nang hindi na sumasagot si King sa kanyang mga kaibigan, napilitan ang awtoridad na pasukin ang bahay kung saan nadatnan ang bangkay ng biktima.

Tumanggi namang magpaliwanag sa pulisya si Thompson na itinuturing ang sarili bilang sovereign citizen at hindi sakop ng batas.

Nanatili ring tikom ang suspek nang humarap sa korte noong Martes kung saan pinatungan siya ng pyansang $2 milyon.

Facebook Comments