Manila, Philippines – Pinabibigyang prayoridad ni House Assistant Majority Leader Ron Salo sa gobyerno ang gamutan para sa mga may mental health illness.
Ayon kay Salo, pondohan na agad ng pamahalaan ang mga gamot na kakailanganin ng mga dumaranas ng mental health problem.
Sinabi ni Salo na dapat na tiyakin ng pamahalaan na available sa lahat ng mga ospital at botika ang mga generic medicines para madaling ma-a-avail ng mga mahihirap na may ganitong karamdaman.
Bukod dito, ipinatatalaga din sa mga eskwelahan at mga workplaces ang pagkakaroon ng psychologist o psychiatrist at pinakikilos din ang mga barangay at mga bawat pamilya na alamin ang mga early warning signs ng mga mentally distress.
Hinikayat din ni Salo na palawakin pa ang PhilHealth coverage at isama dito ang gamutan para sa mga may mental health problems.
Hiniling din ng mambabatas sa Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) na tiyaking ang ilalatag na implementing rules and regulations ay nakapaloob ang kongkretong proseso, standard, at malinaw na sistema para sa maayos na pagpapatupad ng Mental Health Law.
Umaasa ang mambabatas na dahil sa batas ay kusa na ring magpapagamot ang mga may mental health issues.