Simula Oktubre 1, 2024, babayaran na ng PhilHealth ang pabalik-balik na pagpapaospital dulot ng kaparehong sakit sa loob ng 90 araw. Ito ay matapos alisin ng ahensiya ang polisiya nito para sa Single Period of Confinement o SPC rule.
Ipinatupad ang SPC noong panahon ng Medicare, kung saan limitado lamang sa isang beses ang bayad para sa mga pasyenteng paulit-ulit na nao-ospital dahil sa parehong sakit o operasyon sa loob ng 90 araw. Dahil sa polisiyang ito, nagbabayad nang buo ang mga miyembro sa kanilang hospital bills o kaya ay hindi nababayaran ang mga hospital claims.
“Matapos ang masusing pag-aaral, inalis namin ang polisiyang ito upang lalong matiyak na tuloy-tuloy ang benepisyo para sa mga pasyenteng may pabalik-balik na sakit”, paliwanag ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr.
“Ang hakbang na ito ay pagtupad sa aming pangako na lubusin ang mga benepisyo para sa miyembro na kailangan nila sa kanilang paggaling”, dagdag pa niya.
Malugod namang tinanggap ng mga miyembro at ospital ang balitang ito. “Napakalaking epekto ang pag-alis ng SPC dahil karamihan sa pasyente namin ay may recurring illness tulad ng pneumonia o chronic obstructive pulmonary disease. Hindi naman natin sila pwedeng tanggihan dahil kailangan nating magamot ang sakit na pabalik balik”, sabi ni Ma. Celia Buñag, Supervising Administrative Officer ng Quezon City General Hospital.
Laking tuwa naman ni Lucila Salvador, na may kapatid na paulit-ulit nako-confine dahil sa urinary tract infection, nang marinig ang balita. “Nagpapasalamat kami sa PhilHealth, napakalaking bagay nito. Ang ate ko ay senior citizen at tatlong beses nang na-oospital sa pabalik-balik na sakit. Natakot ako kasi ang pagkakaalam ko, hindi na pwedeng magamit ang PhilHealth kapag na-confine ulit sa parehong sakit. Last month na-confine siya tapos nandito na naman siya”, aniya.
Pinaalala naman ng PhilHealth sa mga miyembro na pwedeng magamit ang anumang benepisyo sa loob ng 45 araw sa buong taon, maliban sa hemodialysis benefits package dahil mayroong nakalaang hiwalay na 156 sessions sa bawat taon para dito.
Patuloy na tiniyak ni Ledesma na hindi sila titigil para mas mapabuti ang mga benepisyo sa lahat ng Pilipino. “Kami po sa PhilHealth ay patuloy sa aming pagtatrabaho dahil nauunawaan namin na ang kalusugan ay hindi isang pribilehiyo kundi karapatan ng bawat Pilipino”, pagtitiyak pa niya.