GANG WAR | 6 sugatan sa pamamaril sa labas ng Florida Stadium sa Jacksonville

Away ng mga gang ang isa sa mga tinitingnang dahilan ng mga otoridad sa naganap na pamamaril sa labas ng Florida Stadium bago magsimula ang football game sa pagitan ng Houston Texans at Jacksonville Jaguars.

Pero hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang mga pulis kung ano talaga ang motibo at kung sino ang mga suspek sa nangyaring insidente.

Anim ang sugatan sa nasabing pamamaril at tatlo rito ang nasa kritikal na kalagayan.


Sa inisyal na ulat, naganap ang pamamaril kalahating oras bago magsimula ang laro.

Sakay umano ng isang sedan ang gunman ng paputukan nito ang mga biktima—limang lalaki at isang babae—habang naglalakad sila tapat ng isang laundromat.

Sa kabila ng pamamaril, naging maayos naman ang laro ng Houston kontra Jacksonville at hindi ito nakaapekto sa iba pang mga naka-schedule na mga aktibidad sa Florida Stadium.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Jacksonville Sheriff’s office sa insidente.

Facebook Comments