Hindi akalain ng isang lalaki mula sa Prestonburg, Kentucky na garapata ang sanhi ng pamamaga ng kanyang mata.
Kuwento ni Chris Prater, trabahador ng isang electric company, nagsimula mangati ang kanyang mata matapos magputol ng puno sa isang job site sa Johnson County.
Dahil hindi nawawala ang pangangati at hapdi sa mata, agad nagpakonsulta sa isang optometrist si Prater.
Laking gulat nito nang sabihin ng doktor kung anong nadiskubre niya.
“I leaned around and looked at him and I asked him if he was joking and he said, ‘No, you have a deer tick or some type of tick,” sambit ni Pratter.
Aniya, “The tick made a little popping sound as it came out.”
Gumamit ng tweezers ang manggamot upang alisin ang pesteng insekto. Niresetahan ng antibiotic at steroid drops ang lalaki para hindi magkaroon ng impeksyon sa mata.
Samantala, pinaalalahanan ng Center for Disease Control and Prevention sa Estados Unidos sa maaring idulot ng garapata kapag napabayaan sa katawan ng tao.
Malaki ang posibilidad na mauwi ito sa malubhang karamdaman kagaya ng pagkaparalisa, Lyme Disease at Rocky Mountain spotted fever.
Payo ng CDC, suriin maigi ang paligid ng braso, tenga, ulo at maging pusod kapag na-expose sa isang lugar na puro garapata o pulgas.