Inanunsyo ng pamunuan ng Garden of Memories Memorial Park ng bayan ng Pateros na pansamantalang isasara ito sa mga magjo-jogging, mag-e-ehersisyo, walking, aerobics, at badminton sa loob ng sementeryo.
Bawal din ang pagdaraos ng kahit anong uri ng okasyon sa puntod o libingan.
Bawal din ang pagsasagawa ng misa sa puntod o libingan maliban na lamang kung ito ay oras ng libing.
Lilimitahan din ang mga dadalaw sa nasabing sementeryo, kung saan hanggang dalawa lang ang papayagang makapasok sa loob ng sementeryo at tatagal lang ng 30 minuto ang kanilang ilalagi sa loob.
Hindi rin papayagang pumasok ang mga batang may edad na 15 taon gulang pababa, maliban na lamang kung may kasama itong nakakatanda at makikipaglibing o dadalaw sa lamay.
Batay sa kanilang abiso, epektibo ito simula ngayong araw hanggang Marso 31 ngayong taon.
Ito ay bilang pakikiisa sa lokal na pamahalaan ng bayan ng Pateros upang hindi na lumalala pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.