Cauayan City, Isabela – Hinoldap ng riding-in-tandem ang isang gasolinahan sa bayan ng Luna, Isabela kahapon.
Sa nakuhang impormsyon ng RMN Cauayan, pinasok ng hindi pa nakikilang mga suspek ang Royal Class Gasoline Station na pag-aari ni ginoong Emanuel Guillermo, residente ng Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.
Natangay umano ng dalawang suspek ang mahigit kumulang na walong libong piso bilang koleksyon ng nasabing gasolinahan kahapon.
Sakay ng pulang motorsiklo ang mga suspek kung saan ang drayber nito ay nakasuot ng itim na sombrero, chequered na long sleeves samantala ang angkas o kasama nito ay nakasuot ng itim na jacket at naka-helmet ng itim at puti.
Sa imbestigasyon ng kapulisan sa cashier ng gasolinahan ay bigla na lamang umano huminto sa kaniyang harapan ang mga suspek, na naglabas ng baril at tinutukan siya kasabay ng pagdeklara ng holdap.
Walang nagawa umano ang cashier kundi iniabot na lamang ang koleksyon at tumalilis ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Kasalukuyan parin hanggang sa ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng kapulisan sa posibleng pagkakahuli ng mga suspek.
Matatandaan na unang inihayag ni Police Superintendent Nelson Vallejo, hepe ng PNP Cauayan City na sakop ng Barangay San Fermin ang nasabing gasolinahan subalit sa patuloy nilang pagsisiyasat ay napag-alaman na ito ay sakop ng bayan ng Luna, Isabela.