Nanawagan si Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education Chairman Chiz Escudero sa Commission on Higher Education (CHEd) na i-regulate ang gastos ng mga Commissioners sa tuwing may pagbisita sa mga state universities and colleges (SUCs) o kaya ay mga out-of-town meetings.
Kaugnay na rin ito ng reklamo sa ilang CHEd Commissioners na napapadalas ang mga meetings kung saan ang mga ginastos dito ay pinasasagot sa account ng mga SUCs.
Maliban dito, napagalaman pa na bukod sa pamilya ay may mga staff pang kasama na sobra sa kinakailangan at ang gastos sa mga ito ay pinasalo rin sa SUC.
Hiniling ni Escudero sa CHEd na magisyu ng memorandum para maregulate ang dapat isingil sa mga SUCs sa mga pagkakataon na may on-site na pulong, ano ang dapat i-charge sa CHEd at ano naman ang dapat na bayaran ng personal account ng isang CHEd official.
Sinita rin ng mambabatas ang ‘per diem’ ng mga dumadalo sa commissioner meetings at iginiit na hindi na dapat bigyan ng allowance kada araw kung ang pulong naman ay isinasagawa lang sa loob ng Metro Manila.