Hindi raw dapat kinikwestyon kung saan kinuha o saan galing ang pondong ginastos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ng first family nang magtungo ang mga ito sa Singapore kamakailan para manood ng karera ng mga kotse o F1 Grand Prix.
Ito ang depensa ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa naging aktibidad ni Pangulong Marcos nitong weekend sa Singapore na umani ng mga batikos mula sa iba’t ibang sektor.
Sa isang panayam sinabi ni Bersamin na hindi na mahalaga rito kung sino ang gumastos o saan kinuha ang pondong ginastos sa biyahe ng pangulo at ng first family, kundi may ginawa itong mga aktibidad na para sa ikabubuti ng bayan.
Paliwanag ni Bersamin, may karapatan si Pangulong Marcos na gugulin sa alinmang aktibidad ang kaniyang pribadong oras alinsunod sa batas.
Bagaman hindi aniya isang state visit ang ginawa ng pangulo sa Singapore, nakipagkita at nakipag-usap naman ito sa maraming tao na mahalaga sa ating bansa o sa ikagaganda ng pagpapatakbo sa ating pamahalaan.