Ibinabala ni Senadora Risa Hontiveros ang nakaambang pagtaas ng gastos ng mga Pilipino sa araw-araw na pagbiyahe matapos mabawasan ang pumapasadang jeep at bus dahil sa expiration ng pondo ng gobyerno sa service-contracting.
Sinabi ito ni Hontiveros matapos pormal na mag-expire ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 nitong June 30 kung saan nakapaloob ang P5.58 billion para sa service contracting kasama ang public transportation sector.
Paliwanag ni Hontiveros, dahil hinto na ang Libreng Sakay’ program habang kakaunti pa ang mga bumabiyaheng jeep at bus sa lansangan ay mapipilitang lumipat ang publiko sa taxi, tricycle o transport vehicle network service kung saan siguradong lolobo ang kanilang gastusin, lalo na kung rush hour.
Bunsod nito ay pinakikilos agad ni Hontiveros ang Department of Transportation (DOTr) at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ay para maituloy at mapalawak pa ang service contracting program na malaki ang naitutulong hindi lang sa mga driver, konduktor, mekaniko at operator, kundi pati na rin sa mga commuter ngayong may pandemya.
Iminungkahi rin ni Hontiveros, sa Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng 2021 augmentation funds kapag natapos nang gamitin ng LTFRB ang kasalukuyang P3 billion pondo ng ahensya para ituloy ang service contracting program.