Manila, Philippines – Iniutos na rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) kay PNP Director Chief Superintendent Oscar Albayalde na tutukan na ang isyu ng pagkakatigil ng pagbigay ng daily subsistence allowance sa Special Action Forces (SAF) ng PNP.
Sinabi ni DILG OIC Eduardo Año na kinakailangan ng malaliman ang imbestigasyon sa kaso at alamin kung bakit natigil ang pagbibigay ng benepisyo ng may ilang buwan nang nakalipas.
Aniya, ito ang unang pagsubok at hamon sa bagong pinuno ng PNP kung paano niya isasagawa ang internal cleansing sa loob ng PNP organization.
Apat na dating SAF officials ang isinasangkot ngayon sa kasong malversation kaugnay sa halos 60-milyong pisong pondo na naglaho na dapat ay para sa karagdagang arawang subsistence allowance ng SAF troopers sa loob ng dalawang taon.
Sinabi pa ni Año, kailangan na magkaroon ng sariling fact-finding investigation ang PNP at para bumuo ng polisya upang maiwasan na ang kahalintulad na pangyayari sa hinaharap
Dapat ding tiyakin ni Albayalde na maibigay pa rin sa SAF personnel ang kanilang mga benepisyo na para sa kanila at agad gawin ito sa lalong madaling panahon.
Hindi daw ito dapat magalala dahil ang DILG bilang parent department ay ipagkakaloob ang lahat ng tulong at suporta na kayang ibigay sa PNP.