Cauayan City, Isabela- Ilalagay na simula bukas, Marso 29, 2021 sa General Community Quarantine (GCQ) ang status ng Lalawigan ng Isabela na magtatapos hanggang sa ika-15 ng Abril taong kasalukuyan.
Sa inilabas na Executive Order ni Governor Rodito Albano III ngayong araw, Marso 28, 2021, isasailalim din sa GCQ Bubble o mas maluwag na quarantine status kumpara sa ‘lockdown’ ang probinsya simula Marso 29, 2021 hanggang April 5, 2021.
Habang sumasailalim sa GCQ Bubble ang probinsya, papayagan lamang ang mga essential travels na papasok at palabas ng probinsya; tanging mga essential services o mga pinayagan lamang ng IATF ang mag-ooperate; mahigpit na ipagbabawal ang mass gathering; hindi na papayagan ang dine-in sa mga restaurants at ipatutupad ang curfew hour mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga.
Iiral din ang liquor ban sa probinsya maging ang pagbabawal sa paggamit ng videoke.
Mahigpit rin na ipagbabawal ang paglabas ng bahay ng mga nasa edad 18 pababa at 65 pataas.
Dagdag dito, lalong hihigpitan ang pagpapatupad sa health and safety protocols at ang sinumang mahuhuling lalabag ay papatawan ng karampatang parusa.
Kaugnay nito, inatasan na ng Gobernador ang kapulisan ng Isabela, ang provincial health office, DILG, at iba pang ahensya ng gobyerno maging ang bawat alkalde sa Lalawigan na ipatupad at sundin ang ibinabang kautusan hinggil sa bagong quarantine status ng probinsya.
Ang pagsasailalim ng Isabela sa GCQ at GCQ Bubble ay bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga naitatalang positibong kaso sa Lalawigan.
Sa kasalukuyan, sumampa sa bilang na 976 ang aktibong kaso ng COVID-19 ng Isabela.