GCQ na may granular lockdown, suportado ng ilang mambabatas

Suportado ng ilang mambabatas ang pagbabalik ng General Community Quarantine (GCQ) na may granular lockdown sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Bukas ay ilalagay sa GCQ ang Metro Manila kahit na mataas pa rin ang naitatalang bilang ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte, ang tanging paraan upang mapabilis ang pagbangon ng bansa sa pandemya ay ang pagbubukas ng ekonomiya.


Aniya, hindi magiging masigla ang bansa kung hindi mabubuksan ang negosyo at consumer confidence.

Sa kabila nito, iginiit ni Villafuerte na dapat palakasin ang COVID-19 testing pati na rin ang contact tracing upang mapabagal ang pagkalat ng virus.

Ayon naman kay Bulacan Representative Jonathan Alvarado, totoong mapanganib ang COVID-19 ngunit mapanganib din ang kagutuman at kawalan ng trabaho.

Dagdag pa niya, dapat ibalik ang sigla ng ekonomiya pero dapat ay nasusunod ang mga safety health protocols.

Facebook Comments