
Binisita ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., ang 2nd Infantry Battalion at 96th Infantry Battalion ng 9th Infantry Division sa Uson, Masbate kahapon upang suriin ang seguridad sa lugar sa nalalapit na national at local elections.
Binigyang-diin ni Gen. Brawner ang kahalagahan ng pagkakaisa at kahandaan ng mga tropa upang matiyak ang mapayapang eleksyon.
Pinuri din niya ang mga sundalo sa matagumpay nilang operasyon noong nakaraang taon na nagresulta sa pagbawas ng pwersa ng rebeldeng grupo sa probinsiya.
Hinimok ni Brawner ang mga sundalo na ipagpatuloy ang kanilang momentum sa pagsugpo sa natitirang armadong grupo upang matiyak ang kapayapaan sa Masbate.
Muling iginiit ng heneral ang pangako ng AFP sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept at hinimok ang mga tropa na manatiling matatag sa kanilang misyon sa pangangalaga ng soberanya at integridad ng bansa.