Para kina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo “Ping” Lacson, mas dapat sibakin sa halip na patahimikin lang si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF -ELCAC) Spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.
Pahayag ito nina Drilon at Lacson makaraang maglabas ng gag order kay Parlade si National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Katwiran pa nina Drilon at Lacson, malinaw sa Article 16, Section 5 ng Konstitusyon na hindi maaring humawak ng civilian position ang katulad ni Parlade na nasa aktibong serbisyo sa Armed Forces of the Philippines.
Kinukwestyon naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang pagiging untouchable ni Parlade na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatangal sa NTF-ELCAC.
Babala pa ni Pangilinan, maaring magbunga ng disunity o pagkakawatak-watak sa hanay ng Armed Forces of the Philippines ang hindi pagdisiplina kay Parlade dahil maling halimbawa ito lalo na sa junior military officers.
Komento naman ni Senator Nancy Binay kahit isyuhan ng gag order si Parlade ay hindi na mababawi ang mga nasabi nitong masasakit na salita tulad ng sinabi nito na stupid ang mga senador na nagsusulong na matanggalan ng budget ang NTF-ELCAC.