
Inilatag ni bagong Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III ang kanyang mga flagship program na layong palakasin ang disiplina, serbisyo, at ugnayan sa publiko ng kapulisan.
Una sa mga direktibang binigyang-diin ni Torre ay ang pag-aayos ng radio communication systems sa lahat ng himpilan ng pulisya para masigurong tuloy-tuloy ang koordinasyon, lalo na kapag may emergency.
Itinakda rin ni Gen. Torre ang maximum 3-minute response time sa bawat emergency at distress call.
Para naman sa mas malawak na police visibility, inatasan ni Torre ang paggamit ng lahat ng patrol vehicles kung saan dapat makikita ang mga pulis para sa seguridad ng publiko.
Samantala, para naman sa kapakanan ng kanyang mga tauhan, ipatutupad na ang 8-hour duty policy at pagbibigay ng legal assistance hindi lang sa trabaho kundi pati sa personal na isyu ng mga pulis.
Kaugnay nito, buo ang tiwala ni Gen. Torre na sa pagkakaisa ng bawat pulis, makakamit ang layunin ng administrasyong Marcos para sa isang bansa na mayroong disiplina, tiwala, at tunay na serbisyo.









