
Habang pinag-aaralan ng bagong liderato ng Philippine National Police (PNP) kung kinakailangan pa ng bagong spokesperson para sa organisasyon.
Ipinaliwanag ni acting PNP Chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na sa antas ng chief of police, ang mismong hepe ng istasyon ang dapat magsalita para sa kanyang nasasakupan.
Sa provincial level naman, ang provincial director ang may awtoridad na magbigay ng pahayag o ang itinalagang spokesperson kung wala ito.
Ganito rin ang sistema sa regional offices.
Para naman sa National headquarters, ayon kay Nartatez, ang chief PNP at ang Public Information Office (PIO) ang pangunahing magsasalita para sa organisasyon.
Samantala, kinumpirma ni PIO Chief PBGen. Randulf Tuaño na habang wala pang opisyal na spokesperson sya muna ang magsisilbing tagapagsalita ng Pambansang pulisya kung wala o hindi available magsalita sa media si Gen. Nartatez.
Ani Tuaño nais kasi ni Gen. Nartatez na manggaling sa Public Information Office ang spokesperson ng PNP.
Ibig sabihin hindi na magiging tagapagsalita ng PNP si PBGen. Jean Fajardo na ngayo’y nakatalaga na sa Directorate for Comptrollership.
Nabatid na si Gen. Fajardo ay nagsilbing tagapagsalita ng PNP mula 2022 o noong ika-27 PNP Chief na si Gen. Dionardo Carlos, hanggang kay dating PNP Chief General Rodolfo Azurin, Gen. Benjamin Acorda, Gen. Rommel Francisco Marbil at panghuli kay Gen. Nicolas Torre III.









