Cauayan City, Isabela – Pinupurihan ni Police Brigadier General Angelito Casimero, pinuno ng PRO2, ang mga operatiba ng PNP Cauayan at Reina Mercedes sa pagkaka aresto ng dalawang suspek na kasama ng isang pulis na nanghodap sa Barangay Dangan, Reina Mercedes, Isabela.
Nakilala ang dalawa na sina Samson Pagadduan y Tungpalan alyas Adam Tungpalan y Pagadduan, 29 na taong gulang, may asawa, helper at residente ng Roxas, Isabela at Efren Adelan y Domingo, 40 anyos, may asawa at residente ng Alinam, Cauayan City, Isabela.
Sa pamamagitan ng hot pursuit na ginawa ng PNP Cauayan at PNP Reina Mercedes ay naaresto si Samson sa Tagaran, Cauayan City at si Efren Adelan ay nasukol naman sa Carabatan Chica, Cauayan City kahapon, Marso 31, 2020
Ang dalawa ay kasamahan at kasabwat ni PLt Oliver Tolentino y Pabiling na nauna nang sumuko sa PNP Cauayan matapos mag-utos ang hepe na si PCol Gerard Gamboa ng shoot to kill order laban sa kanya.
Ang tatlo ay suspek sa ginawang panghohodap sa isang gasolinahan sa Dangan, Reina Mercedes, Isabela noong gabi ng Marso 29, 2020.
Nakumpiska mula kay Efren Adelan ang isang kalibre 45 na may serial no. 492726 na may kasamang magazine na mayroong laman na siyam (9) na bala kasama ang isang special ammunition na nakahanda nang iputok at isang itim na smart phone. Kasamang nabawi sa naturang pagtugis ang bag na naglalaman ng uniporme ni Tolentino.
Nasa kustudiya na ng PNP Cauayan ang tatlong suspek at nakatakda nang sampahan ng kaso.
Ang samut saring kaso laban sa tatlo ay paglabag sa Enhanced Community Quarantine batay sa RA 11332, Resistance and Disobedience base sa Artikulo 151 ng Revised Penal Code at paglabag sa RA 10591 o Illegal na pangangalaga ng armas ng PNP Cauayan at PNP Echague.
Magugunita na bago sa nangyaring panghoholdap ay naka “floating status” si Lt Tolentino sa PRO2 Holding Center dahil sa nauna nang ginawang paglabag sa panuntunan ng PNP.