Hindi na muna magsasagawa ng proceedings ang binubuong general court martial ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa mga kaso noon ni Senator Antonio Trillanes IV.
Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez Jr., habang wala pang desisyon ang Korte Suprema sa merits ng inaprobahang Presidential Proclamation Number 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ayon kay Galvez inutos nyang ituloy ang pagbuo ng general court martial.
Una nang inihayag ng AFP na ngayong binawi na ang amnestiya ni Senator Trillanes maibabalik ito sa military status ibig sabihin magiging kontrol na ito ng militar at ang binubuong general court martial ang lilitis sa kanyang kasong rebelyon noon.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Galvez ang mga sundalo na manatiling non-partisan o huwag makikihalo sa isyu sa pulitika.
Bagaman at aniya may kanya-kanyang pananaw ang mga sundalo, dapat manatili aniya ang commitment ng mga sundalo sa konstitusyon at sa taon bayan.
Ginawa ni Galvez ang pahayag dahil sa mga batikos sa AFP na umano ay nagagamit sila ni Pangulong Duterte sa kanyang mga isyu sa pulitika.