Inalis na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang general curfew sa National Capital Region (NCR).
Epektibo ito simula bukas, November 4.
Pero paglilinaw ni MMDA Chairman Benjur Abalos, mananatili pa rin ang curfew sa mga menor de edad.
Simula October 13, ipinapatupad sa Metro Manila ang curfew mula alas dose ng hatinggabi hanggang alas kwatro ng madaling araw.
Pero naging usapin ang curfew matapos na pumayag ang mga mall na pahabain ang kanilang operating hours ngayong holiday season.
Samantala, pinag-aaralan pa ng MMDA kung kailan ibabalik ang number coding scheme sa EDSA dahil na rin sa inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko habang papalapit ang Pasko.
Simula nang isailalim sa Alert Level 3 ang NCR, umabot na sa 390,000 sasakyan ang dumaraan sa EDSA na malapit na sa daily average na 405,000 bago nagkaroon ng pandemya.