Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sina Dr. Carmencita David Padilla at Dr. Romulo Gelbolingo Davide bilang national scientists.
Batay sa Proclamation Nos. 642 at 643, kinilala si Padilla sa kanyang tagumpay at nagawa sa larangan ng genetics na malaki ang kontribusyon sa implementasyon ng Republic Act No. 9288 o ang Newborn Screening Act of 2004 at RA No. 10747 o ang Rare Diseases Act of the Philippines.
Ang mga batas na ito ay naglalayong maiwasan ang mental retardation at pagkamatay mula sa ilang congenital disorders na matutukoy pagkapanganak pa lamang ng isang sanggol.
Kinilala naman si Davide para sa kanyang nagawa sa larangan ng nematology at plant pathology na nagresulta sa pagkakabuo ng isang biological control agent laban sa nematodes na nagbibigay sa mga magsasakang Pilipino ng alternatibo sa mga kemikal na nematicides.
Maliban sa ranggo at titulo bilang mga pambansang siyentipiko, makatatanggap din sina Padilla at Davide ng mga pribilehiyo at benepisyo na nakalaan sa ilalim ng mga umiiral na batas.