Gentleman’s Agreement, kinilala ni Cayetano; Velasco, uupong House Speaker sa Oktubre

Pormal nang uupo bilang Speaker ng Kamara si Marinduque Representative Lord Allan Velasco sa October 14, 2020.

Ito ay matapos panindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 15-21 term sharing agreement sa pagitan nina Velasco at kasalukuyang Speaker na si Taguig Representative Alan Peter Cayetano, batay sa mga lumalabas na source.

Wala ring inilalabas na official statement ang Malacañang para kumpirmahin o i-deny ang mga lumabas na ulat hinggil sa pulong, pero sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ipinauubaya na nila sa Kamara ang opisyal na pag-aanunsyo nito.


Maging ang kampo ni Cayetano ay wala pang komento.

Pero ayon sa ilang source, kinilala na ni Cayetano ang ‘Gentleman’s Agreement’ nila ni Velasco at inaasahang maglalabas siya ng pahayag ngayong araw.

Sa ilalim ng kasunduan, pamunuan ni Cayetano ang mababang kapulungan sa unang 15 buwan at sasaluhin ito ni Velasco sa natitirang 21 buwan.

Sa kanyang tweet, sinabi ni PDP-LABAN Executive Ron Munsayac na ‘tapos na ang boksing’ kung saan ipinapahiwatig lamang na tapos na ang kontrobersiya sa term sharing.

Nabatid na namagitan na si Pangulong Duterte sa isyu nang ayaw bitawan ni Cayetano ang Speakership at ito ay nakumpirma sa pamamagitan ng paglagda ng 202 House members sa isang manifesto na nagdedeklara ng suporta kay Cayetano para maipagpatuloy niya ang kanyang pamumuno sa Kamara.

Inakusahan din ni Cayetano si Velasco na nagkakasa ng ouster plot laban sa kanya pero hindi ito pinatulan ng kampo ni Velasco.

Ang Kongreso ay nakatakdang mag-recess sa October 16 hanggang November 15.

Facebook Comments