Noong 2013 o sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ginawa ang gentleman’s agreement sa pagitan ng Pilipinas at China na naglilimita sa pagdadala lamang ng pagkain at tubig sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal na sakop ng ating Exclusive Economic Zone o EEZ.
Inihayag ito ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea sa pagdinig ng House Committee on National Defense and Security at Special Committee on West Philippine Sea ukol sa umano’y gentleman’s agreement nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Bukod kay Medialdea ay mariin ding itinanggi nina dating Defense Sec. Delfin Lorenzana at dating National Security Adviser Hermogenes Esperon na mayroong nabuong gentleman’s agreement sa China sa ilalim ng Duterte administration.
Binanggit ni Medialdea na base sa nakuha niyang impormasyon, si dating Defense Sec. Voltaire Gazmin ang nangako kay dating Chinese Ambassador Ma Keqing na tanging pagkain at tubig lang ang dadalhin ng gobyerno sa BRP Sierra Madre at ang polisiyang ito ay sinundan lang ng administrasyong Duterte.
Bunsod nito ay nagpasya ang dalawang komite na imbitahan sa susunod na pagdinig si Gazmin.