Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi binding o walang bisa sa ilalim ng Marcos administration ang pinasok na gentleman’s agreement ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China government.
Paliwanag ni Pimentel, ang kasunduan na ginawa sa pagitan nila Duterte at China President Xi Jinping para hindi magkaroon ng escalation sa Ayungin Shoal ay halata namang personal na kasunduan lamang.
Ibig sabihin, pagkatapos aniya ng termino ni Duterte ay wala na itong bisa dahil verbal agreement lamang ang naganap sa pagitan ng dalawang lider at tinupad lamang ng dating pangulo ang kanyang commitment na maiwasan ang gulo sa ating teritoryo.
Pinayuhan ni Pimentel ang executive branch na huwag nang masyadong problemahin ang gentleman’s agreement dahil wala namang kasulatan at hindi naman ito dumaan sa proseso ng isang treaty o executive agreement kaya maaaring hindi ito ituloy ng Marcos administration.
Hiniling naman ni Pimentel sa ikakasang imbestigasyon ng Senado na klaruhin at iwasan na sa susunod ng mga lider ng bansa na pumasok sa mga verbal, unrecorded at informal agreement dahil maituturing na unconstitutional ang mga ganitong kasunduan.