Binawian na rin ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Quezon City ng Fire Safety Inspection Certificate ang Gentle Hands Inc. (GHI), sa Quezon City.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), matapos ang ipinataw na cease and desist order sa GHI ay agad itong nag-request sa BFP ng extensive fire safety inspection sa pasilidad.
Kabilang sa ikinabahala ng kagawaran sa naturang orphanage ang kakulangan ng fire exit na delikado para sa mga mahigit 100 mga batang kinakanlong nito.
Sa inilabas namang report ng BFP-QC, nakitaan ang GHI ng paglabag sa revised implementing rules and regulations ng R.A. 9514 o ang Fire Code of the Philippines.
Ayon naman kay DSWD Asec. Romel Lopez na patunay lang ito na tama ang mga naging obserbasyon ni DSWD Sec. Rex Gatchalian nang magsagawa ito ng spot monitoring sa pasilidad.
Bukod sa kakulangan ng fire exit, ilan pa sa mga paglabag na nakita ng DSWD sa ampunan ang overcrowding, kawalan ng kalinisan, at kakulangan sa social worker o house parent.