Inihayag ni Senator Bong Go na hahabulin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga “ghost importer” sa pamamagitan ng bagong tatag na task force.
Ang nasabing hakbang ay bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa katiwalian sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular na sa Bureau of Customs (BOC).
Ayon sa Senador, ang nasabing “expanded task force” ang siyang mag-iimbestiga, magpo-prosecute, magre-rekomenda ng suspensions, magla-lifestyle check, mag-audit at ipapakulong ang mga mapatunayang nagkasala.
Sinabi pa ni Go na hawak na ni Pangulong Duterte ang pangalan ng mga sangkot sa korapsyon sa BOC kung saan hindi titigil ang administrasyon para matigil na ang mga corrupt sa gobyerno.
Samantala, isinumite na ng Special Action Unit ng National Bureau of Investigation (NBI) sa OFfice of the Ombudsman ang rekomendasyon para sampahan ng kaso ang 86 na opisyal ng Bureau of Immigration na sangkot sa umano’y ‘pastillas’ scheme.
Kabilang dito ang dating Chief of Port na si Marc Red Mariñas na sinasabing lider ng ‘pastillas’ scheme.
Nabatid na ibinase ng mga imbestigador ang rekomendasyon sa resulta na rin ng Senate inquiry kung saan idiniin si Mariñas bilang puppet master pero itinanggi naman ito ng dating opisyal ng Immigration.