Tatlong buwan makaraang ipag-utos ni TESDA Director General, Secretary Isidro Lapeña ang masusing imbestigasyon sa mga operasyon ng lahat ng accredited TESDA training schools sa bansa.
Nadiskubre ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang 28 Technical Vocational Education and Training (TVET) programs na may mga insidente ng mga ghost trainings at ghost scholars sa Central Luzon at sa tatlo pang rehiyon.
Base sa resulta ng imbestigasyon, nakumpirma ang mga kaso ng ghost training at trainees sa ilang rehistradong Technical Vocational and Education Training Programs — 13 mula sa Central Luzon, tig-7 sa Region I at Region IV-A at 1 sa Metro Manila.
Ang mga natuklasang training schools ay may dalawa o higit pang mga kaso ng ghost trainings at listahan ng ghost trainees.
Mayroon ding lumutang na siyam na kaso ng iligal na paniningil ng mga bayarin sa mga trainees at scholars na lantarang pagsuway sa mga panuntunan ng TESDA scholarships.
Apat sa mga kasong ito ay mula sa Region I, tig-2 mula sa Region 4-A at Region 6 at isa mula sa Region 7.
Kaugnay nito, pinagpapaliwanag o hiningan ng pahayag ang mga TESDA regional directors na nakakasakop sa mga nasabing lugar hinggil sa mga isyu ng anomalya.