GIANT CHRISTMAS TREE SA ALAMINOS CITY, PINAILAWAN NA

Pormal nang sinindihan ang Giant Christmas Tree sa People’s Park sa Alaminos City bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng taunang pagdiriwang ng maagang Pasko sa Lungsod.

Bago ang makulay na seremonya, nagdaos muna ng banal na Misa sa St. Joseph Cathedral Parish—isang tradisyong nagpapaalala sa tunay na diwa ng Pasko. Sama-samang nag-alay ng pasasalamat, papuri, at panalangin ang mga lokal na opisyal, kawani ng pamahalaan, at mga mamamayan para sa mga biyayang natanggap ng lungsod, at para sa patuloy na kapayapaan, kasaganahan, at kaligtasan ng bawat Alaminian.

Matapos ang misa ay isinagawa ang pagbabasbas at pagpapailaw sa higanteng Christmas Tree at iba’t ibang dekorasyong nagbigay-liwanag at kulay sa buong People’s Park. At gaya ng bawat taon, hindi rin nabigo ang lahat sa pinakahihintay na Fireworks Display na nagpasiklab ng saya at pagkamangha sa mga dumalo.

Bukod sa People’s Park, sabay-sabay ding nagniningning ngayong taon ang City Hall, Plaza Marcelo Ochave, at ang bagong bihis na New Lucap Park, bilang bahagi ng patuloy na handog ng Pamahalaang Lungsod para sa mga Alaminian, turista, at mga bisitang inaasahang dadagsa sa pagbisita sa Hundred Islands National Park ngayong kapaskuhan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments