Matapos i-anunisyo ng International Basketball Federation (FIBA) na kanilang isasagawa ang bubble-type format upang ipagpatuloy ang 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers, pinag-iisipan na ng Gilas Pilipinas kung paano ang gagawin nilang hakbang para makapagsagawa ng team practice.
Sinasabing nagdesisyon ang FIBA na gawing bubble-type format ang susunod na mga laro na nakatakda sa November 2020 at February 2021 dahil na rin sa nararanasang COVID-19 pandemic.
Nabatid na ang Gilas Pilipinas ay nasa Group-A ng nasabing tournament kung saan kasama nito ang South Korea, Thailand at Indonesia.
Matatandaan na mayroon ng isang panalo ang Gilas nang tambakan nila sa score na 100-70 ang Indonesia sa kanilang naging laban habang nakansela naman ang laro nila kontra Thailand dahil sa virus outbreak.
Isa sa mga pinag-aaralan ng Gilas Pilipinas ay kung paano makakasama sa practice ang players lalo na’t ang pinapayagan lamang sa ngayon ay ang mga koponan na naglalaro sa PBA.
Bukod dito, makakasabay rin ng qualifiers ng FIBA Asia ang pagsisimula ng laro sa PBA kung saan magkakaroon ng problema para makasama sa line-up ang ilang mga professional basketball players.