Ginaganap na special election sa Tubaran, nanatiling maayos ayon sa PNP

Nanatiling payapa ang isinasagawang special election ngayon sa Tubaran, Lanao del Sur.

Ito ay batay sa monitoring ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Directorate for Operations Director Police Major General Valeriano de Leon, wala silang namo-monitor na anumang aktibidad o movements mula sa supporters ng mga tumatakbong kandidato.


Pero hindi inaalis ng PNP ang posibilidad na muling magkaroon ng kaguluhan dahil may mga nakita silang mga armadong grupo na pinaniniwalaang supporters ng mga tumatakbong alkalde ng nasabing bayan.

Sinabi pa ni De Leon na tatlo sa 12 clustered precinct ay dinagdagan nila ng pwersa para mas matiyak na walang makakagulo sa ginaganap na special election.

Hanggang kahapon aniya umabot na sa 718 na pulis ang naka-deploy sa Tubaran, Lanao del Sur partikular sa mga pinagdadausan ng halalan.

Mananatili naman aniyang nasa full alert status ang munisipyo ng Tubaran hanggang alas-4:00 ng hapon ngayon araw.

Matatandang una nang idineklarang failure of election ang halalan sa Tubaran noong May 9 matapos na magkaroon ng tensyon sa pagitan ng supporters ng mga tumatakbong mga kandidato sa nasabing bayan.

Facebook Comments