Ginagawang flood control probe ng administrasyon, hindi EJK style —Palasyo

Malaki ang kaibahan ng istilo ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakaraang administrasyon.

Ito ang buwelta ng palasyo sa banat ni Vice President Sara Duterte na dapat ay inaksyunan agad ng pangulo ang flood control mess sa halip na hintayin ang findings ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi naniniwala ang Pangulo sa “mabilisang proseso na walang due process,” taliwas sa extrajudicial killing (EJK) style noon ng Duterte admin na diretso libingan.

Buwelta pa ni Castro, tila galing daw sa kweba si VP Sara at kailangan magpalit ng grado ng salamin o gumamit ng hearing aid para makita at marinig ang ginagawa ng administrasyon.

Hindi rin pinalampas ng palasyo ang dating administrasyon na nabigong tuparin ang pangakong tapusin ang problema sa ilegal na droga sa loob ng tatlong hanggang anim na buwan.

Naglabas pa si Castro ng resibo na nagpapakita na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang umamin na siya mismo ay corrupt.

Facebook Comments