Sa pagpapatuloy ng Senate hearing ukol sa red-tagging ay humingi si National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director Alex Monteagudo ng moment of silence para kay Jevilyn Cullamat at Rochelle Mae Bacalso na parehong napatay sa engkwentro ng mga sundalo at NPA.
Ayon kay Monteagudo, sina Jevilyn at Rochelle ay kabilang sa listahan ng mga kabataan na nasawi dahil sa walang saysay at madugong ideolohiya ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), at National Democratic Front (NDF).
Diin ni Monteagudo, kaya sila nagsasagawa ng truth tagging at hindi red-tagging ay upang ipaalam sa taumbayan at mga kabataan ang katotohanan ukol sa kaugnayan ng partido komunista sa mga militanteng grupo na nagre-recruit ng mga kabataan.
Paliwanag ni Monteagudo, ang mga kabataan ay idealistic gullible, rebellious kaya madaling mahikayat ng Bayan, Anakbayan ay iba pang grupo na sumapi sa NPA.
Sabi ni Monteagudo, nalalason ang isipan ng mga kabataan para magalit sa gobyerno sa pamamagitan ng pagiging aktibista sa simula at kalaunan ay magiging NPA na sila.
Inalmahan ito ni dating Bayan Muna Representative Teddy Casińo at hinamon ang security cluster na maglabas ng ebidensya at tukuyin kung sino ang kanyang ni-recruit sa NPA dahil nagtuturo lang naman sila ng nationalism at democratic values.
Paliwanag naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, hindi naman personal na ginagawa ni Casino at iba pang militant leaders ang recruitment kundi ng kanilang mga organisasyon.
Kinuwestyon naman ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy kung bakit napakaselan ng Makabayan at laging nagrereklamo na biktima sila ng karahasan pero hindi naman nito magawang kundenahin ang karahasang ginagawa ng NPA.
Pero paliwanag ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares, hindi krimen at hindi sila maaring ikulong dahil lang sa hindi nila pagkondena sa NPA at hindi rin ito nangangahulugan na sila ay kasapi ng rebeldeng grupo.