Ginamit na rubber bladder sa Bustos Dam, substandard; contractor na gumawa nito, pina-blacklist na

Inamin ng National Irrigation Administration (NIA) na substandard ang materyales na inilagay sa Bustos Dam sa lalawigan ng Bulacan.

Sa budget hearing ng NIA sa Senado, tinukoy ni Senator Joel Villanueva na mayroong rubber gate sa Bustos dam ang nasira dahil sa sobrang init ng panahon at kung hindi mapapalitan ito at ang iba pang natitirang gates sa dam ay maaapektuhan ang nasa 12,904 na mga magsasaka at pagkalugi sa sektor ng agrikultura na aabot ng ₱2.69 billion.

Ayon kay NIA Administrator Engineer Eddie Guillen, substandard ang mga inilagay na rubber bladder sa naturang dam kung saan ang contractor ay ang ITP Guangxi.

Sinabi naman ni NIA Legal Services Atty. Lloyd Cudal na pina-blacklist na nila ang nasabing contractor at nakapaghain na rin sila ng reklamo sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) para sa pagsasampa ng kaso.

Nagpadala na rin sila ng demand letter sa contractor para ayusin hindi lamang ang nasirang rubber gate 5 kundi pati ang anim pang rubber bladders.

Dagdag naman ni Guillen, kinukulit nila ang Department of Budget and Management (DBM) at Malakanyang na maglabas ng pondo para sa pagsasaayos nito ngunit napag-alaman namang walang alokasyon dito sa ilalim ng 2026 national budget.

Umaapela ang ahensya na kunin ang pondo para rito sa tinanggal na flood control funds ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Facebook Comments