
Himas-rehas ngayon ang isang 21-anyos na binata matapos madakip ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa ikinasang entrapment operation, matapos gawing sex slave ang 38-anyos na ginang na dati nitong naging karelasyon.
Kinilala ang suspek sa alyas na Cortez, na nahuli mismo sa loob ng isang motel sa naturang lungsod habang kasama ang biktima na itinago sa pangalang Chay.
Ayon kay Lt. Wallen Arancillo, tagapagsalita ng PNP-ACG, lumapit sa kanila ang biktima matapos paulit-ulit na pilitin ng suspek na makipagtalik kung saan kapag tumatanggi umano sya, tinatakot siya ng binata na ikakalat ang kanilang mga malalaswang litrato at video sa kanyang asawa at mga kakilala.
Mahigit dalawang taon na ang nakalipas mula nang magkaroon ng relasyon ang dalawa, ngunit hindi pa rin tinatantanan ng suspek ang biktima. Sa tuwing gusto nitong makipagtalik, tinatawagan lamang umano ng lalaki ang ginang at pinapapunta sa motel na nagsilbing tagpuan nila.
Nitong Martes ng hapon, tinapos na ng pulisya ang kalbaryo ng ginang matapos arestuhin si Cortez sa pamamagitan ng entrapment operation.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic act no 10175 o ang ‘cybercrime prevention act of 2012 ang suspek.









