Cauayan City, Isabela- Ikinalungkot ng isang magsasaka mula sa Bayan ng Ramon, Isabela matapos itong hindi mapabilang sa mga tatanggap ng P5,000 na ayuda mula sa Department of Agriculture (DA) Region 02 para sa mga apektado ng Rice Tarrification Law.
Sa eksklusibong panayam kay Ginang Yolanda Jacinto, palaisipan sa kanya kung bakit hindi ito kabilang sa mga tatanggap ng ayuda gayong kwalipikado naman ito dahil nasa isang (1) ektarya lamang ang kanyang sinasaka.
Dagdag niya, may epekto para sa kanya ang Rice Tariffication Law dahil sa murang bentahan ng palay noong nakaraang anihan.
Paliwanag naman ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2, ito ay ihawalay na ayuda sa cash assistance na ibinibigay ng DSWD at naisabay lang sa pagbibigay ngayong nahaharap sa krisis ang bansa.
Kinakailangan aniyang makipag-ugnayan ng kahit sinong magsasaka sa kani-kanilang Municipal Agriculturist para sa iba pang impormasyon na may kaugnayan sa mga proyekto ng ahensya.
Naliwanagan naman si Ginang Jacinto at kanyang iginiit na dadalo ito sa mga gagawing pagpupulong ng kanilang Lokal na Pamahalaan para sa mga tulong na matatanggap ng mga maliliit na magsasaka.