GINANG NA NAGULUNGAN NG TRUCK, BINAWIAN NG BUHAY

CAUAYAN CITY – Patay ang isang ginang matapos magulungan ng truck sa Brgy. Gucab, Echague, Isabela nitong araw ng Abril.

Ayon sa ulat ng PNP Echague, bandang 8:15 ng gabi ng makatanggap sila ng ulat tungkol sa isang aksidente sa kalsada na kinasangkutan ng isang truck at kuliglig.

Kinilala ang drayber ng truck na si Bernardino Suyat, 47- anyos, at residente ng brgy. Angoluan, Echague, Isabela, habang ang drayber naman ng kuliglig ay si Jay-r Dumon, 31-anyos sakay ang asawa nitong si Myra Dumon, 34-anyos, parehong residente ng brgy. Gucab, Echague, Isabela.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang kahabaan ng brgy. Gucab proper, Echague, Isabela kung saan nasa likuran ng truck ang kuliglig.

Nang makarating sa lugar ng insidente, nawalan umano ng kontrol ang drayber ng truck sa manibela habang nag-malfunction din ang break nito dahilan upang umatras ang truck at sumalpok sa kuliglig.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, gumulong-gulong ang kuliglig subalit nagawa pa ring makatalon ng drayber, ngunit hindi nakaligtas ang asawa nito matapos magulungan ng truck dahilan ng kanyang pagkasawi.

Dinala naman ang katawan ng biktima sa Carbonel funeral home sa Brgy. Soyung, Echague, Isabela habang dinala ang drayber ng truck sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon.

Facebook Comments