Ginang, Naaktuhan sa Pagbebenta ng Droga, Arestado!

39

San Manuel, Isabela- Timbog ang isang ginang matapos mahuli sa aktong pagbebenta ng shabu sa Brgy. Nueva Era, San Manuel, Isabela kanina dakong alas kwatro ng hapon, Marso bente otso, 2018.

Kinilala ang suspek na si Elenita David, 39 anyos, walang asawa, high school graduate at residente mula sa naturang barangay.

Sa impormasyong ibinahagi ni Police Superintendent Warlito M. Jagto, Police Community Relation (PCR) Officer ng Isabela PPO sa RMN Cauayan News Team, nadakip umano si David matapos magsagawa ng buy bust operation ang pinagsanib pwersa ng kapulisan ng San Manuel at PDEA kanina.

Nabentahan umano ng suspek na si David ang isang agent na nagpanggap na bibili na naging dahilan ng kanyang pagkakadakip.

Samantala, nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang plastic ng shabu, isang libong piso na ginamit bilang buy bust money, isang unit ng cellphone, dalawang panyo, isang sunglass at isang unit ng motorsiklo.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP San Manuel ang suspek na nahaharap na sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments