MICHIGAN, USA – Labis ang pagdadalamhati ng isang babae dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa’t anak sa pagitan lamang ng ilang araw dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa report ng the Detroit News, hindi maipaliwanag na kalungkutan ang nararamdaman umano ng ginang na si Sandy Brown matapos masawi ang asawang si Freddie Lee Brown Jr., at anak na si Freddie Lee Brown III sa pagitan lamang ng tatlong araw.
Kwento ng ginang, kalagitnaan ng Marso nang magkasakit ang kanyang mister na sinundan ng panginginig at pananakit ng katawan.
Hanggang sa bigla na lamang itong nahirapang huminga kaya agad umano itong isinugod sa ospital kung saan nagpositibo ito sa COVID-19 at inilagay sa ventilator ngunit kalaunan ay nauwi sa comatose.
Nakatanggap daw siya ng tawag mula sa mga doktor at sinabing hindi na nila maisasalba pa ang kanyang asawa.
Sumunod na araw ay naagkasakit naman ang kanyang 20-anyos na anak na may asthma at kalauna’y nagkaroon ng lagnat at ubo.
Idinala ito sa kaparehong ospital kung saan napabuti umano ng kaunti ang kanyang kondisyon.
Ngunit matapos ang tatlong araw ay muli raw siyang nakatanggap ng tawag mula sa mga doktor para ibalitang nasawi rin ang kanyang anak.