Ginang, patay matapos martilyuhin sa ulo ng kinakasama

Nasawi ang isang 39-anyos na ginang matapos umanong pukpukin ito ng martilyo sa ulo ng ka live-in sa Tondo Maynila, Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Connie Romero, empleyado ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), nagkaroon raw ng pagtatalo ang dalawa bago mangyari ang krimen.


Kwento naman ng kapitbahay ni Connie, narinig raw nito ang away ng dalawa at mayroon daw nabanggit si Connie na wala umano siyang lalaki.

Pagkasapit ng madaling araw, bandang 2:40 am, nadiskubre ng 16-anyos na anak ni Connie na duguan na ito at wala ng buhay.

Dito na ito sumaklolo sa kanyang tiyahin na si Margaret Bancoro at agad na isinugod sa ospital si Connie ngunit idineklara itong dead-on-arrival pasado alas-4 ng madaling araw.

Sa ulat naman ni Police Lt. Col. Carlo Manuel, PIO ng MPD , bangkay na at naliligo sa sariling dugo ang biktima nang datnan ito ng kapatid.

Samantala, sumuko naman ang suspek na si Eric Capulong kay Manila City Mayor Isko Moreno, Martes ng gabi.

Facebook Comments