Kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ginawang harrassment ng China sa Philippine Air Force (PAF) habang nagpapatrolya sa Bajo de Masinloc nitong Huwebes.
Ayon sa Palasyo, ilegal at hindi makatarungan ang pagpapakawala ng flare ng dalawang aircraft ng China sa dadaanan ng aircraft ng PAF sa lugar habang nagsasagawa ng maritime security operations.
Hindi pa nga anila halos kalmado ang sitwasyon sa karagatan, at ngayon naman ay pinangangambahan na rin ang posibleng instability sa airspace.
Nananatili namang nakatindig si Pangulong Marcos kasama ang mga matatapang na tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Giit ng pangulo sa China na maging responsable sa aksyon hindi lamang sa karagatan kundi pati na rin sa kalawakan sa paglutas sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Gayunpaman, ayon sa Palasyo, ipagpapatuloy ng Pilipinas ang commitment nito sa paggamit ng diplomasya at mapayapang paraan sa pagresolba sa mga hindi pagkakaunawaan.