Natuwa ang Sugar Industry stakeholders sa pakikinig at panahon na iniukol ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanilang hanay sa harap na rin ng kasalukuyang estado ng asukal sa bansa.
Ayon kay Negros Occidental Mayor Jose Nadie Arceo, isa sa stakeholders na dumalo sa stakeholders meeting sa Malacanang, si Pangulong Marcos ang natatandaang nila na kauna-unahang Chief Executive na humarap at nakinig sa kanilang sentimyento.
Sa pamamagitan aniya ng ginawang pakikiharap ng presidente ay nagawa nilang mailahad ang kanilang concern partikular sa kung paano pa mapapalakas ang sugar industry ng bansa.
Isa aniya sa importanteng napag-usapan ay kung paano mapapaunlad ang produksiyon ng tubo o “cane” na ang magandang bunga ay tatagos sa mga maliliit na magsasaka.
Aniya, kabilang sa kanilang prayoridad ay ang matulungan ang mga maliliit na magsasaka lalo’t 85 hanggang 90 percent aniya ng nasa sugar industry ay binubuo ng small farmers.