
Buo ang suporta ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos sa panukalang “GINHAWA Bill” ni Senator Sherwin Gatchalian na layuning maitaas ang take-home pay ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng malawakang reporma sa buwis.
Bunsod nito ay nangako si Abalos na maghahain ng kaparehong panukala sa Kamara ngayong 20th Congress na makatutulong sa pagpapabuti sa buhay ng ating mga mahihirap na kababayan.
Sa ilalim ng panukalang Granting Increase in Take-Home Pay for All Working Filipinos o “GINHAWA” Act ay bibigyan ng mas mataas na tax exemptions ang suweldo at iba pang benepisyong tinatanggap ng mga empleyado na sumusweldo ng ₱400,000 kada taon mula sa kasalukuyang ₱250,000.
Ayon kay Abalos, handa siyang maging katuwang ni Gatchalian sa pagsusulong ng sistema ng pagbubuwis na mas makatarungan, mas simple, at mas tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.









